Buod:
Read the full fact sheet- Ang bird flu, na kilala rin bilang avian influenza, ay isang nakakahawang sakit na dulot ng influenza virus.
- Pangunahin itong kumakalat sa mga ibon, ngunit maaari ring kumalat mula sa mga ibon patungo sa ibang mga hayop at bihira sa mga tao.
- Bagama't bihira sa mga tao, ang mga taong nagkaroon ng malapit na contact sa mga may sakit na ibon o iba pang mga hayop ay may mas mataas na panganib na mahawaan ng bird flu.
- Ang bird flu ay natuklasan sa mga malayang ibon sa Australia at ibang bansa. Ang mga impeksiyon sa iba pang mga hayop (tulad ng mga pangkabuhayang hayop) ay mas hindi karaniwan ngunit maaaring maganap.
- Kumunsulta sa iyong doktor kung magkakaroon ka ng mga sintomas na parang trangkaso pagkatapos bumalik kamakailan mula sa isang bansang may outbreak ng bird flu, o pagkatapos magkaroon ng contact sa mga may sakit o patay na ibon o hayop.
- Ang panganib na makakuha ng bird flu mula sa maayos na nilutong manok at itlog ay napakababa. Palaging lutuin nang mabuti ang manok at itlog at hawakan nang ligtas ang hilaw na manok.
- Kung makakita ka ng maraming may sakit o patay na ibon o hayop, iwasan ang contact sa mga ito, itala ang iyong nakikita at iulat ito sa Department of Energy, Environment and Climate Action o sa Emergency Animal Disease Hotline sa 1800 675 888.
On this page
Tungkol sa bird flu
Ang bird flu, na kilala rin bilang avian influenza, ay isang nakakahawang sakit na dulot ng mga strain ng influenza virus. Ito ay katulad ng mga virus na nagdudulot ng influenza (trangkaso) sa mga tao.
Ang ilang strain ng virus na ito ay nagdudulot ng walang sakit o banayad na sakit sa mga ibon, habang ang iba ay nagdudulot ng malubhang sakit o kamatayan. Bagama't ang mga ibon kabilang ang mga ligaw na ibon at manok ay pangunahing apektado, ang ilang strain ay maaari ring makahawa sa mga mammal tulad ng mga wildlife, komersyal na alagang hayop, at mga alagang hayop sa bahay.
Mayroong sobrang nakakahawang klase ng bird flu (H5N1 clade 2.3.4.4b) ang mabilis na kumalat sa mga ibon at mga mammal sa maraming parte ng mundo.
Bihirang mahawaan ang mga tao.
Mga sintomas ng bird flu sa mga tao
Ang impeksyon ng bird flu ay nagdudulot ng wala o banayad na sintomas ngunit paminsan-minsan ay maaaring magdulot ng malalang sintomas. Kapag lumitaw ang mga sintomas, ang mga ito ay katulad ng seasonal flu at kabilang ang:
- lagnat
- ubo
- masakit na lalamunan
- tumutulong sipon
- masakit at namumulang mga mata (conjunctivitis)
- kirot at pananakit ng kalamnan
- sakit ng ulo
- pagkapagod
- hirap sa paghinga
- pagduduwal, pagsusuka o pagtatae.
Sa mga tao, ang H5N1 bird flu ay maaaring magdulot ng banayad hanggang sa napakalubhang sintomas. Minsan ay maaari itong humantong sa kamatayan.
Ang mga sintomas ay karaniwang lumilitaw sa pagitan ng 2 hanggang 10 araw pagkatapos ng pagkakalantad.
Kumunsulta sa iyong doktor kung magkakaroon ka ng mga sintomas na parang trangkaso pagkatapos bumalik kamakailan mula sa isang bansa o mga lugar na may outbreak ng bird flu, o pagkatapos magkaroon ng contact sa mga may sakit o patay na ibon o hayop.
Mga Komplikasyon
Ang matinding impeksyon ng bird flu ay maaaring humantong sa mga pagbabago sa neurological, pneumonia (impeksyon sa baga), encephalitis (pamamaga ng utak) o kamatayan.
Paano kumakalat ang bird flu
Ang bird flu ay pangunahing kumakalat sa pagitan ng mga ibon. Minsan ay maaari itong kumalat mula sa mga ibon patungo sa ibang mga hayop at bihira sa mga tao. Ang bird flu ay bihirang kumalat mula sa isang tao patungo sa isa pa.
Maaaring mahawa ang mga tao kung sila ay:
- nagkaroon ng malapit na contact sa mga nahawaang ibon at iba pang mga hayop o sa kanilang mga secretion sa paghinga, dumi (tae) at iba pang likido sa katawan
- nakalanghap ng kontaminadong alikabok o droplets.
Ang panganib na makakuha ng bird flu mula sa maayos na nilutong manok at itlog ay napakababa. Palaging lutuin nang mabuti ang manok at itlog at hawakan nang ligtas ang hilaw na manok.
Sino ang nasa panganib
Karamihan ng mga tao ay hindi nanganganib magkaroon ng bird flu.
Ang mga taong may mas mataas na panganib na magkaroon ng bird flu ay kinabibilangan ng mga:
- naglalakbay sa mga bansang may mga outbreak ng bird flu at nagkaroon ng contact sa mga may sakit na ibon o iba pang mga hayop
- nagkaroon ng malapit na contact sa mga ibon (at sa kanilang mga secretion sa respiratoryo, dumi (tae) o iba pang likido sa katawan), tulad ng mga manggagawa sa poultry o wildlife.
Pag-iwas
Ano ang gagawin kung makakita ka ng mga may sakit o patay na ibon
Sa pangkalahatan, dapat iwasan ng mga tao ang pagkakaroon ng contact sa mga may sakit o patay na hayop kung maaari. Kung makakita ka ng maraming may sakit o patay na ibon o hayop, dapat mong:
- iwasan ang contact
- itala ang iyong nakikita (sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato o video ng mga hayop at ang iyong lokasyon)
- iulat ito sa Department of Energy, Environment and Climate Action o Emergency Animal Disease Hotline sa 1800 675 888 (24/7).
Lubos na inirerekomenda ang pagpapabakuna laban sa seasonal flu. Binabawasan nito ang panganib na magkasakit nang malubha kung ikaw ay nalantad sa seasonal flu at bird flu nang sabay. Binabawasan din nito ang posibilidad na maghalo ang mga strain ng trangkaso upang lumikha ng mga bagong virus.
Payo para sa mga manlalakbay
Kung ikaw ay naglalakbay sa mga bansa o lugar na may mga outbreak ng bird flu, dapat mong gawin ang mga sumusunod na hakbang upang maiwasan ang impeksyon:
- iwasan ang mga ligaw na ibon at iba pang mga hayop, mga poultry farm at mga 'wet' market ng buhay na hayop
- hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig pagkatapos humawak ng hilaw na karne at itlog ng manok, at iwasang hawakan ang iyong mga mata, ilong o bibig pagkatapos hawakan ang mga produktong ito
- hugasan ang lahat ng kagamitan sa kusina at linisin ang mga ibabaw ng lutuan pagkatapos ihanda ang hilaw na manok
- siguraduhing ang karne at itlog ng manok ay naluto nang mabuti bago kainin
- huwag uminom o kumain ng hilaw, hindi pasteurized na gatas o mga produktong gatas.
Bago maglakbay, regular na suriin ang payo sa kalusugan sa Smartraveller.
Payo para sa mga manggagawa
Ang mga taong nagtatrabaho sa mga lugar na may malapit na contact sa mga poultry o may sakit na ibon at iba pang mga hayop ay dapat sumunod sa mga naaangkop na hakbang upang maiwasan ang impeksyon. Kabilang dito ang mga mabuting gawi sa kalinisan at paggamit ng personal protective equipment tulad ng P2/N95 respirator mask, goggles, guwantes at damit pamproteksyon.
Mahigpit ding pinapayuhan ang mga manggagawa na magpabakuna para sa seasonal flu bawat taon.
Paano nasusuri ang bird flu
Nasusuri ang bird flu sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga swab na kinuha mula sa ilong at lalamunan.
Dapat kang magpatingin sa iyong doktor kung mayroon kang mga sintomas na parang trangkaso at nagkaroon ng malapit na contact sa mga may sakit na ibon o iba pang mga hayop, o bumalik mula sa isang bansa o lugar na may mga outbreak ng bird flu.
Ipaalam sa kanila ang tungkol sa anumang posibleng contact sa bird flu. Siguraduhing tumawag muna at magsuot ng face mask upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.
Paano gagamutin ang bird flu
Ang mga gamot na antiviral na ginagamit upang gamutin ang seasonal flu ay epektibo rin para sa bird flu at nakakatulong na maiwasan ang malubhang sakit.
Kung ikaw ay nalantad sa bird flu
Kung ikaw ay may bird flu
Kung ikaw ay nasuri na may bird flu, kailangan mong mag-isolate upang pigilan ang pagkalat nito. Kung kailangan mo ng pangangalaga sa ospital, ikaw ay gagamutin sa ilalim ng mga pag-iingat sa pagkontrol ng impeksyon.
Ang Local Public Health Unit ay nakikipagtulungan sa mga taong nasuring may bird flu, sa kanilang mga doktor, at mga laboratoryo upang siyasatin at tumugon sa potensyal na panganib ng bird flu sa komunidad.
Kung ikaw ay lumapit sa isang nahawaang ibon o hayop
Kung ikaw ay nalantad sa bird flu, makakatanggap ka ng impormasyon tungkol sa mga sintomas na dapat bantayan. Kung ikaw ay magkaroon ng mga sintomas, manatili sa bahay at lumabas lamang upang magpasuri.
Maaaring irekomenda sa ilang tao na uminom ng gamot na antiviral upang maiwasan ang malubhang sakit.
Ang Local Public Health Unit ay nagbibigay ng impormasyon at sumusubaybay sa mga taong nalantad.
Bird flu sa mga hayop
Ang Agriculture Victoria ang awtoridad sa kalusugan ng hayop na nag-iimbestiga at tumutugon sa mga outbreak ng bird flu sa mga hayop (halimbawa, sa mga poultry farm).
Kapag may outbreak ng bird flu sa Victoria, ang mga taong maaaring nalantad sa mga nahawaang ibon ay sinusubaybayan ng Local Public Health Unit.
Saan makakakuha ng tulong
- Sa isang emergency, palaging tumawag sa Triple Zero (000)
- Sa iyong GP (doktor)
- Nurse-on-Call Tel. 1300 60 60 24 (24 oras, 7 araw) - para sa kumpidensyal na payo sa kalusugan mula sa isang rehistradong nars
- Hanapin ang inyong Local Public Health Unit
- Emergency Animal Diseases, Agriculture Victoria, Victorian Government, Tel. 136 186
- Infectious Diseases: Guidelines and advice, Department of Health, Victorian Government Tel. 1300 651 160
This page has been produced in consultation with and approved by:


