- Ang mpox ay isang sakit na dulot ng monkeypox virus.
- Hindi ito madaling maipasa sa ibang tao at karaniwan itong sanhi ng matagal na pisikal o intimate (balat sa balat) na pakikipag-ugnayan (contact) sa isang nakakahawang tao.
- Kung magkaroon ka ng mga sintomas, dapat kang humingi ng medikal na pangangalaga at magpasuri, at limitahan ang iyong contact sa iba hangga't hindi mo pa nakukuha ang resulta ng iyong pagsusuri.
- Ang bakuna laban sa mpox ay malawakang makukuha sa Victoria, at kung ikaw ay karapat-dapat, maaari ka nang magpabakuna.
- Ang mga taong nakatanggap ng kanilang unang dosis nang hindi bababa sa 28 araw na nakakaraan ay dapat tumanggap ng kanilang pangalawang dosis.
- Ang pagbabakuna ay libre para sa mga karapat-dapat na tao sa pamamagitan ng mga klinika para sa kalusugang sekswal at mga serbisyong pangkalusugan.
On this page
- Ano ang mpox?
- Paano kumakalat ang mpox
- Sino ang nasa panganib
- Mga sintomas ng mpox
- Ano ang dapat gawin kung mayroon kang mga sintomas ng mpox
- Ano ang gagawin kung ikaw ay nasuring may mpox
- Ano ang gagawin kung ikaw ay natukoy bilang isang contact ng mpox
- Pag-iwas sa mpox
- Paggamot ng mpox
- Pagbabakuna laban sa Mpox
- Saan makakahingi ng tulong
Ang karagdagang impormasyon tungkol sa mpox, kabilang ang pagiging karapat-dapat para sa pagbabakuna at pag-access, ay matatagpuan sampox disease information and advice sa page ng Health.vic.
Ano ang mpox?
Ang mpox (dating kilala bilang monkeypox) ay isang sakit na dulot ng monkeypox virus. Karaniwan itong nagdudulot ng banayad na karamdaman na may pamamantal. Kalimitan ay kumakalat ito sa pamamagitan ng matagal na pisikal o intimate (balat sa balat) na contact sa isang taong mayroong mpox. Karamihan sa mga tao ay gumagaling sa loob ng ilang linggo.
Paano kumakalat ang mpox
Ang mpox ay hindi madaling maipasa sa ibang tao. Karaniwang kumakalat ito mula sa isang tao patungo sa ibang tao sa pamamagitan ng matagal na pisikal o intimate na contact sa isang taong mayroong mpox, lalo na sa mga pantal sa balat, sugat, paltos o langib.
Maaari rin itong kumalat sa pamamagitan ng contact sa mga damit o bagay (mga kumot o tuwalya) na ginamit ng isang taong nahawahan at sa pamamagitan ng mga patak (droplets) ng paghinga (ubo at pagbahin).
Hindi ito kumakalat sa pamamagitan ng kaswal na contact.
Ang mga tao ay nakakahawa mula sa oras na magkaroon sila ng mga unang sintomas hanggang sa maglangib ang lahat ng mga sugat, matuyo at matuklap kung saan may bagong suson (layer) ng balat na nabubuo sa ilalim.
Sino ang nasa panganib
Sinumang may matagal na pisikal o intimate na contact (balat sa balat na contact) sa isang taong mayroong mpox ay maaaring mahawa.
Ang mga taong pinaka-nanganganib ay ang mga gay, bisexual at iba pang mga lalaki na nakikipagtalik sa mga lalaki, mga naglalakbay sa mga bansa na may mga pagsiklab (outbreaks), at mga taong may maraming sekswal na partner o dumadalo sa malalaking party o sa mga dausan ng sex-on-premises (pakikipagtalik sa mismong lugar).
Mga sintomas ng mpox
Ang mga sintomas ng mpox ay maaaring lumitaw hanggang sa 21 araw pagkatapos ng contact sa isang nahawaang tao.
Ang mga sintomas ay maaaring may kasamang pamamantal na maaaring masakit at makaapekto sa anumang bahagi ng katawan, kabilang ang:
- maselang bahagi o ari
- bahagi sa paligid ng puwit at pigi
- sa loob ng bibig
- mukha
- mga kamay at braso
- paa at binti.
Ang pantal ay maaaring mayroong maliliit na paltos, (vesicles), mga paltos na may nana (pustules), taghiyawat o ulser at ang dami ng mga sugat ay magkakaiba. Ang pantal ay maaaring magbago at dumaan sa iba't ibang yugto, tulad ng bulutong, bago maging langib na natutuklap.
Kabilang sa iba pang mga sintomas na maaaring mangyari bago o kasabay ng pamamantal, ay:
- lagnat
- giniginaw
- pananakit ng kalamnan
- pamamaga ng lymph nodes
- sobrang kapaguran
- sakit ng ulo
- masakit na lalamunan
- pananakit sa puwit at tumbong
- masakit na pag-ihi.
Ang mga sintomas ay maaaring kahawig ng mga impeksyong nakukuha sa pakikipagtalik (STIs - sexually transmitted infections) tulad ng herpes o syphilis pati na rin ng iba pang mga sakit na may pamamantal tulad ng tigdas o bulutong.
Karamihan sa mga tao ay may banayad na karamdaman at gumagaling sa loob ng ilang linggo ngunit ang ilan ay maaaring magkaroon ng malubhang sakit at kailangang ipasok sa ospital.
Ang mga bata, buntis at mga taong may mahinang immune system ay itinuturing na may mas mataas na panganib na magkaroon ng malubhang sakit.
Ano ang dapat gawin kung mayroon kang mga sintomas ng mpox
Kung magkaroon ka ng mga sintomas ng mpox dapat kang manatili sa bahay, limitahan ang iyong contact sa iba, at humingi ng medikal na pangangalaga at magpasuri.
Kung magkaroon ka ng mga sintomas, kontakin ang iyong healthcare provider o pinakamalapit na serbisyong pangkalusugan para mabigyan ka ng payo. Tiyaking natatakpan ang anumang mga pantal, sugat, paltos o langib kung dadalo ka sa appointment.
Ano ang gagawin kung ikaw ay nasuring may mpox
Ang mga taong may mpox ay dapat umiwas sa pakikipag-ugnayan sa iba, lalo na sa mga bata, mga buntis at mga taong may mahinang naturalesa (immune system).
Iwasan ang contact sa mga hayop kabilang ang mga alagang hayop, dahil sa panganib na maikalat ito mula sa tao papunta sa hayop.
Maghintay hanggang sa lahat ng mga sugat sa balat ay gumaling at magkaroon na ng bagong patong ng balat bago ipagpatuloy ang mga normal na aktibidad. Magkaroon ng follow up appointment sa iyong doktor dahil magbibigay siya ng clearance at karagdagang payo kung kinakailangan, tulad halimbawa, kung gaano katagal dapat gumamit ng condom kapag nakikipagtalik pagkatapos gumaling.
Makikipag-ugnayan sa iyo ang isang health officer mula sa inyong Local Public Health Unit (LPHU) o Department of Health para kumustahin ka. Makakatulong siya sa pagtukoy ng iba pang mga tao na maaaring nakaugnayan mo habang ikaw ay nakakahawa, upang maalertuhan sila sa panganib ng pagkakaroon ng mpox. Ipapaalam niya ito sa iyong mga contact nang hindi isinisiwalat ang iyong pagkakakilanlan.
Ano ang gagawin kung ikaw ay natukoy bilang isang contact ng mpox
Kung ikaw ay natukoy bilang isang contact, antabayanan ang mga sintomas. Sundin ang kasalukuyang mga patnubay sa kalusugan ng publiko at mga rekomendasyon mula sa mga opisyal ng kalusugan.
Pag-iwas sa mpox
Ang pagbabakuna laban sa mpox ay isang epektibong hakbang sa pag-iwas. Dalawang dosis ang kinakailangan para sa pinakamainam na proteksyon laban sa malubhang pagkakasakit. Walang bakuna na 100 porsiyentong epektibo, at maaaring magkaroon ng impeksyon ang mga taong nabakunahan na.
Iwasan ang contact sa mga taong pinaghihinalaan o kumpirmadong mayroong mpox. Kabilang dito ang contact sa posibleng mga kontaminadong materyales, tulad ng mga kumot o tuwalya.
Isaalang-alang ang paglilimita sa bilang ng iyong mga sekswal na partner at magtabi ng kanilang mga detalye ng contact. Isaalang-alang ang paglilimita (sa pakikipagtalik) sa mga sekswal na partner sa loob ng tatlong linggo pagkatapos bumalik mula sa mga bansa kung saan may mga pagsiklab ng mpox.
Panatilihin ang wastong kalinisan, tulad ng paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o paggamit ng sanitiser na mula sa alkohol.
Kung ikaw ay hindi nabakunahan, o nagkaroon lamang ng isang dosis, at nalantad sa isang taong may mpox, ang pagpapabakuna (mas mabuti sa loob ng apat na araw pagkatapos ng pagkakalantad), ay maaaring mabawasan ang iyong panganib na magkaroon ng mpox. Makipag-usap sa iyong GP o sa klinika para sa kalusugang sekswal tungkol sa pagpapabakuna.
Paggamot ng mpox
Karamihan sa mga tao ay karaniwang magkakaroon ng banayad na karamdaman at gumagaling sa loob ng ilang linggo. Ang mga antiviral treatment ay magagamit para sa malubhang pagkakasakit kaya't mahalaga ang maagang pagsusuri.
Pagbabakuna laban sa Mpox
Sa Victoria, ang bakuna laban sa mpox ay makukuha nang libre para sa mga karapat dapat na tao.
Maaari itong magamit upang mabawasan ang panganib ng impeksyon at malubhang pagkakasakit sa:
- mga karapat-dapat na grupo na may mataas na panganib
- ilang mga tao na nagkaroon ng kamakailang mataas na panganib na nalantad sa MPOX.
Ang mga taong nagkaroon na ng kanilang unang dosis ay dapat magtanong sa kanilang healthcare provider kung kailan matatanggap ang kanilang pangalawang dosis. 2 dosis ng bakuna ang kinakailangan para sa pinakamainam na proteksyon.
Ang mpox vaccine ay tumatagal nang humigit-kumulang 2 linggo bago ito maging epektibo.
Ang mga bakuna sa mpox ay malawakang makukuha sa mga klinika para sa kalusugang sekswal, pampublikong ospital, pangkalahatang practitioner (GPs), mga serbisyong pangkalusugan ng Aboriginal, ilang mga konseho at mga botika sa komunidad. Ang inyong Local Public Health Unit ay makakatulong sa iyong makahanap ng provider sa inyong lugar.
Saan makakahingi ng tulong
- Laging tumawag ng ambulansya sa oras ng emerhensya (Triple Zero) Tel. 000
- Emergency department ng pinakamalapit na ospital sa inyo
- Ang iyong GP (doktor)
- NURSE-ON-CALL Tel. 1300 60 60 24 (24 oras, 7 araw) – para sa kumpidensyal na payo sa kalusugan mula sa isang rehistradong nars
- Melbourne Sexual Health Centre Tel. (03) 9341 6200 o 1800 032 017 o TTY (para sa may kapansanan sa pandinig) Tel (03) 9347 8619
- Victorian Sexual Health Network – kung saan magpapasuri – bisitahin ang klinika ng katuwang na GP ng Melbourne Sexual Health Centre para sa pagpapasuri at pagpapagamot ng STI
- Thorne Harbour Health (dating Victorian AIDS Council) Tel. (03) 9865 6700 o 1800 134 840
- Emen8 - Hanapin ang pinakamalapit na sentro ng kalusugang sekswal
- Hanapin ang aking Local Public Health Unit.
This page has been produced in consultation with and approved by: